Sunday, February 26, 2012

Lights, Camera, Action.



Aliw na aliw ako noong pinakinggan ko ang mga formula ng mga pelikulang aksyon na binanggit ng guro namin sa Filipino. Ang bidang underdog ang siyang nagwawagi sa huli. Hindi nawawala ang warehouse bilang tagpuan, lalo na sa mga eksenang barilan. Laging isinisiwalat ng kontrabida ang kanyang plano at magkukuwentuhan muna sila ng bida bago maglaban. Ang umuudyok sa bida na lumapit sa kontrabida ay ang pagdakip ng kanyang mga mahal sa buhay. May kakayahan ang bida na iwasan ang sandamakmak na bala ng baril. Ilan lamang ang mga ito sa mga formula ng mga pelikulang aksyon.

Sa aking palagay, may mga dahilang hindi hayag ang patuloy na pagtangkilik ng mga Pilipino, lalo na ng masa, sa mga pelikulang sumusunod sa Horizon of Expectation, gaya ng mga pelikulang aksyon sa ating bansa. Maaaring dahil hinahanap-hanap natin ang katiyakan sa buhay kung saan ang tanging katiyakan lamang ay ang pagbabago. Maaaring pampalubag-loob ang panonood ng pelikula kung saan ang underdog ang nagwawagi sa huli, sapagkat dito lamang nakikitang naisabubuhay ang kagustuhang makaahon sa kahirapan at makalamang sa mga nang-aalipusta. Maaari rin namang isang patikim ng kapangyarihan ang inihahatid ng kakayahan nating mahulaan ang kapalaran ng mga tauhan sa pelikula, tulad ng pagkakaalam ng Diyos tungkol sa mga kapalaran natin. Anuman ang dahilan sa pagtangkilik natin sa ganitong uri ng pelikula, naniniwala ako na may sinasabi ito tungkol sa pamumuhay natin sa labas ng takilya.

Suriin natin ang salitang “Aksyon.” Kaakibat ng konsepto ng “Aksyon” ang salitang “Galaw” dahil ang aksyon ay binubuo ng mga galaw. Pinapakahulugan naman ng “pagbabago ng posisyon,” o change in position, ang salitang “Galaw.” Kung gayon, maaari nating sabihin na ang “Aksyon” ay koleksyon ng mga galaw, o koleksyon ng mga pagbabago. Subalit, dahil may mga formula nang sinusunod ang mga pelikulang aksyon sa Pilipinas, nawawalan na ng pagbabago ang pelikula. Nawawala na tuloy ang elemento ng Aksyon sa mga ito.

Marahil, ang patuloy na pagtangkilik sa ganitong uri ng pelikula ay katumbas ng pagtanggap natin sa kawalan ng aksyon at kawalan ng pagbabago. Higit pa rito, ang pagtangkilik natin sa ganitong uri ng pelikula ay sumasagisag sa pagtalima natin sa mga formula sa sarili nating mga buhay.

Nakausap ko ang isa sa mga batang tinuturuan namin sa NSTP Area Insertions. Tinanong ko siya, “Mary Grace (hindi niya totoong pangalan), anong gusto mong maging pagtanda mo?” Nagulat ako sa sagot niya. Ang sabi niya, “Katulong. ‘Di naman ako makakapagtapos ng college e.” Nakalulungkot isipin na bata pa lamang siya, sumusuko na siya at tumatalima sa malupit na formula ng buhay niya. Para bang tadhana na niya ang maging katulong. Naisip ko rin na pati pala ako, tumatalima na sa formula ng buhay ko. Nakatatak na sa aking isipan na kailangan kong mag-aral, kumuha ng kursong alam kong magbibigay sa akin ng magandang trabaho sa kinabukasan, mag-ipon ng pera at magsimula ng pamilya at ang magiging mga anak ko ay patatahakin ko sa parehong landas ng buhay.

Ano ngayon? Masama bang sumunod sa mga formula ng buhay?  Hindi. Wala namang masama sa pag-aaral sa kagustuhang makatiyak sa magandang kinabukasan. Wala ring masama sa pagtanggap na may mga bagay na sadyang ‘di na natin kayang baguhin. Ngunit mag-ingat sa ganitong diskurso sapagkat baka makahon na tayo sa kaisipang “Ganyan talaga ang buhay” at tuluyang makalimutan natin kung paano mangarap at kung paano habulin ang mga pangarap na ito. Huwag nating kalimutan na kagaya ng mga pelikula, ika nga, “There are infinite possibilities.” At gaya ng mga manunulat at direktor sa pelikula, may kakayahan tayong baguhin at diktahan ang daloy ng buhay natin. May kalayaan tayong suwayin ang formula at tahakin ang landas na nais ng puso natin.

Tandaan na may kakayahan tayong kumilos upang manumbalik ang "Aksyon" sa buhay natin.

Ikaw, paano mo padadaluyin ang buhay mo? Susunod ka lang ba sa mga formula o lalabas ka sa kahon at pipiliin mong tahakin ang sarili mong landas? Lights. Camera. Action.