Lapitin ako sa aksidente. Noong bata raw ako, kung saan-saan ako nababangga—sa aparador, sa gilid ng mga upuan, at sa sulok ng pintuan. Nasagasaan na rin ako nang umaatras ang isang sasakyan. Kulang na lang daw ay itali na nila ako nang parang aso upang malayo sa mga aksidente. Sumuko na rin ako sa pag-aaral sumakay ng bisikleta sa takot na baka mahulog lamang ako. Ika nga sa klase naming sa Psychology 101, learned helplessness ang tawag dito. Paano ba ako hindi mapanghihinaan ng loob e, ako yata ang kauna-unahang tao na ma-out-of-balance sa bisikletang tatlo ang gulong.
![]() |
Ganito ang three-wheeler bike kung saan ako nahulog. Tanda ng pagkahulog kong iyon ang isang peklat sa aking tuhod. |
Hanggang ngayon, madalas pa rin akong matapilok, mahulog at makaiwan ng gamit. Sa dalas ng pagkakadapa ko, ilang beses na nahuli ang mga ito sa litrato.
![]() |
Pansinin ang sumabit kong paa. |
![]() |
Daig ko pa si Miriam Quiambao sa poise. Habang nadadapa ay nakangiti pa rin! |
Tilang walang araw na ginawa ang Diyos na hindi ako natatapilok, nadadapa, o nakaiiwan ng gamit. Kailan lamang ay nahulog ako sa hagdan sa paaralan at nagtamo ng tatlong pasa sa aking kaliwang binti at kasinlaki ng palad ko ang mga pasang ito. Sa araw rin na iyon, matapos ko maka-goal sa Futsal, nasapul naman ako ng bola sa mukha. Parang may magnetic powers ako sa mga bola.
Hindi man natin pinapansin, pero ang buhay natin ay binubuo ng mga aksidente. Maaaring ituring na swerte ito, gaya ng pagkakapulot ng limang piso sa bangketa. Maaari ring ituring na malas ito, gaya ng pagkakanakaw ng pitaka habang papasok sa paaralan. Ang aksidente ay 'di maiiwasan, kahit anong paghahanda ang gawin natin para dito. Ang nagbabago lamang ay ang pagturing natin sa mga ito, kung malas nga ba o swerte ang naganap na aksidente.
Para sa marami, malas daw ang pagiging malapitin ko sa aksidente. ‘Di ko sila masisisi. Ilang sugat at peklat na rin ang natamo ko dahil sa mga aksidente. Subalit, swerte pa rin ako sa maraming paraan. Ilang beses man akong nadadapa o muntik na masagasaan, ni minsan ay hindi ako kinailangang dalhin sa ospital. Ilang beses ko man naiwanan ang mga gamit ko, laging may nagbabalik o nagpapaalala sa akin na balikan ang mga ito. Kahit ilang beses na ako napahiya dahil sa mga aksidente ko, bunga naman nito'y mga kuwentong kinaaaliwan ng mga kaibigan ko.
Inaamin ko, hindi laging madaling hanapin ang swerte sa lahat ng aksidente. Pinutulan ng binti ang lola ko dahil sa isang aksidente. Matagal-tagal din akong nagalit sa mundo dahil doon at sinisi sa malas ang lahat. "Bakit kasi lola ko pa yung kailangang maaksidente? Mahihirapan tuloy siya,” giit ko sa aking sarili. Pero nang nagtagal, natanto ko na kung hindi siya naaksidente, pipiliin niyang tumira sa probinsiya, kung saan mag-isa siya. Hindi ko na siya makikita araw-araw at makakamusta. Ang kuya ko naman ay nagkaroon ng sakit sa mata sa ‘di malamang dahilan. Walang lunas ang sakit niya at giit ng doktor, baka sa pagtanda niya'y unti-unti siyang mabubulag. Muli, itinuring kong malas ito. Hindi ko malirip kung bakit binigyan siya ng Diyos ng ganyang kabigat na problemang kailangan niyang pasan. Muling bumigat ang loob ko sa bagay na wala akong kontrol. Isang araw, nag-usap kami ng masinsinan ng kapatid ko. Sabi niya, "Baka kaya ako nagkasakit ng ganito para maging inspiration sa iba. Na kahit may disability ako, kaya ko mamuhay nang normal." Magiging swerte sa iba ang bigat na kailangan niyang pasan. At bagaman nagagambala ako paminsan-minsan sa kinabukasan niya, ang loob ko naman ay panatag na kaya niya ring makita ang swerte sa kamalasan niya.
Wala naman akong kasiguraduhan kung talagang swerte o malas lahat ang kaganapan sa buhay ko. Subalit, kung ituturing kong malas ang mga aksidente sa buhay ko, palagi na lamang sasama ang loob ko, at siguradong mawawalan ako ng lakas harapin araw-araw ang mga pagsubok na darating. Kaya pinipili kong hanapin ang swerte sa lahat ng aksidente sapagkat sa ganitong paraan ko lang mabibigyang saysay ang aking buhay at sa ganitong paraan ko lang makakayang harapin lahat ng nakaambang aksidente at pagsubok sa hinaharap. Maaaring mangmang ang ganitong pag-iisp, ngunit pipiliin ko na ang ganitong kabaliwan kaysa sa kabaliwang lunod sa poot at malas.
Baybayin ang suwerte bilang suwerte, hindi swerte. Binibigyan kita ng +1 na LG para rito.
ReplyDelete