Tuesday, March 6, 2012

Kabundukan, Katahimikan


Noong isang klase sa Filipino, napag-usapan namin ang sagisag ng bundok. Noong panahon daw ng Kastila, ang bundok ang naging takbuhan ng mga taong ayaw magpasakop sa mga Kastila. Habang lumalayo ka sa bayan, masmalaya ka. Ginamit namin si Basilio bilang halimbawa drto. Sa bayan siya nasaktan at sa kabudukan naman siya nakahanap ng pag-hilom. Ang bundok para sa kanya ay naging sanctuary.


Hanggang ngayon, itinuturing pa rin ng marami ang bundok bilang sanctuary. Ang pagpunta kasi sa kabundukan ay may dalang pakiramdam pagtakas sa siyudad. Tahimik at malayo kasi ang bundok sa gulo ng bayan. Kapareho ng pagtakbo ng sinaunang Pilipino sa kamay ng Kastila ang pagtakbo ng mga tulad ko mula sa ligalig ng siyudad. Ang buhay siyudad kasi ay mabilis, demanding, nakakapagod at pamnisa'y malupit. Gaya ko, marami tuloy ang nagnanais makatakas sa lahat ng kaguluhang nangyayari sa paligid. Marami tuloy tulad ko ang naghahanap ng parang real-life-pause-button upang makahinga at makapagpahinga naman sa demands ng bayan.

Tulad ni Basilio, nakahanap rin ako ng sanctuary sa kabundukan.



Bukang-liwayway sa Caleruega, Batangas
Dapit-hapon  sa Caleruega, Batangas

Dahil conducive sa pagninilay, pananahimik at pagdadasal ang kabundukan, naging tampok ang mga retreat house dito. Ang mga litrato sa itaas ay kinuha ko noong first year high school ako. Iyon ang unang beses kong mag-retreat ng tatlong araw. Parang panaginip lamang ang tatlong araw na iyon, lalo na't ang ang tanawing ganoon ang sumasalubong sa akin araw-araw. Naakit ako ng malamig na simoy ng hangin, kaluwangan, at higit sa lahat, sa katahimikan. Mula noon ay sabik na sabik na ako tuwing kami'y magre-retreat. Sa kabundukan ko kasi panandaliang natatakasan ang mga gumagambala sa akin sa siyudad. Napapagnilayan ko rin kung gaano kaganda ang mundo, at kung gaano ako kasuwerte at mapalad sa lahat ng biyayang natamo ko sa mga nakalipas na panahon. At isa pa, para kaming nagbabakasyon ng mga kaklase ko tuwing retreat. Uso pa naman din ang mga heart-to-heart talk sa lamig at katahimikan ng gabi. Bumabalik ako sa siyudad nang nakapagpahinga ng maigi at magaan ang loob.


Ang tanawin mula sa balkonahe ng retreat house sa Batulao, Batangas

Ang tanawin mula sa aking Bintana sa Carmelite Retreat house, Tagaytay


Subalit ilang araw makalipas ng retreat, malilirip ko na wala palang nagbago. Ang katahimikan pala na naranasan ko ay mananatiling parang panaginip lamang habang hinaharap ko ang siyudad ng ligalig. Noong nakatapos ako ng hayskul, matagal-tagal din akong hindi nakapag-retreat dala ng pagiging abala sa college. Nadagdagan pa ng gulo ang mundong ginagalawan ko at ang tagal kong ninais makabalik sa katahimikan ng kabundukan upang makapagpahinga at makapagnilay sa mga pagbabago ng buhay ko.

Sumailalim ako sa isang "5-day Silent-Retreat" kailan lamang. Limang araw kami nanahimik upang magdasal at magnilay. Bawal naming kausapin ang kahit sinong kasama namin, sa lahat ng oras, maliban sa aming retreat director, isang oras kada araw.

Dito kami nag-retreat sa Sacred Heart Novitiate. Matatagpuan ito sa may Quirino Highway, labinlimang kilometro lang ang layo mula sa Quezon Memorial Circle

Tanaw mo pa dito ang mga gusali at nagsisiksikang bahay sa siyudad. Maririnig mo pa sa malayo ang busina at ingay ng mga sasakyang dumadaan. Ang hangin din ay 'di kasing laming ng sa kabundukan. Naging mas mahirap tuloy ang pananahimik.

Noong una'y akala ko kalokohan at isang uri ng pagpapakamatay ang pagsasailalim dito ngunit, tinapangan ko ang loob ko at tinanggap ang hamong manahimik. Akala ko, sa pagpunta ko sa retreat, matatakasan ko muli ang mga problemang iniwan ko sa siyudad. 'Yun pala, maabutan ako ng mga problemang ito. Dahil naiwanan akong mag-isa, walang kausap at walang magawa, napilitan akong harapin ang mga tanong at problemang pilit kong kinalimutan dati. Kinailangan kong aminin sa aking sarili ang mga pagkukulang ko, kinalangan kong isaisip ang mga masasakit na alaalang binaon ko na sa lupa, kinailangan kong hayaan ang sarili kong maramdaman muli ang sakit ng nakaraan. Mahirap, pero sa tulong ng Diyos at retreat director ko, kinaya.

Matapos ang limang araw ng pananahimik, higit kong nakilala ang aking sarili at ang aking kahinaan. Dahil sa pananahimik, naabutan ako ng tinatakbuhan kong problema at harapin sila isa-isa. Dahil sa pananahimik, nagbago ang perspektibo ko sa buhay. Nang makabalik ako sa siyudad, wari ko'y wala pa ring nagbago. Maingay pa rin at magulo ang lungsod. Ngunit ngayon, dahil sa mga pinagdaanan ko noong retreat, mas kaya ko na harapin ang ligalig. Ngayon, wagas na ang kapanatagan ko, dahil ng katahimikan ng aking loob.

Hindi pala kailangan ng kabundukan para makaranas ng katahimikan. Ang tunay katahimikan ay na sa loob na natin, kailangan lang natin ito hanapin sa pamamagitan ng pananahimik, at sa pagharap sa mga bumabagabag sa atin.

1 comment: