Thursday, March 8, 2012

Mga Kuro-Kuro mula kay Kundera

"The heaviest of burdens crushes us, we sink beneath it, it pins us to the ground. But in love poetry of every age, the woman longs to be weighed down by the man's body.The heaviest of burdens is therefore simultaneously an image of life's most intense fulfillment. The heavier the burden, the closer our lives come to the earth, the more real and truthful they become. Conversely, the absolute absence of burden causes man to be lighter than air, to soar into heights, take leave of the earth and his earthly being, and become only half real, his movements as free as they are insignificant. What then shall we choose? Weight or lightness?"  
― Milan Kundera, The Unbearable Lightness of Being

Umuupo ako sa aming klase, iniisip paminsan na parang ako'y nasa Philosophy class. Napag-iisipan at napagninilayan ko rito ang mga bagay-bagay na hindi ko napapansin sa normal na araw. Swak na swak ang napag-usapan namin kanina sa bigat ng loob na nadarama ko. Iginiit ni Milan Kundera, ang kabigatan daw ay isang mabuting bagay. Tanda ito na ikaw ay nagmamahal, na hindi ka manhid sa mundong ginagalawan mo. Ang kabigatan ay kaakibat ng attachment sa mundo at sa mga taong kasama mo, kaya kapag nagmahal ka, hindi maiiwasang makaramdam ka ng bigat.

Matapos ang diskusiyong iyon, sa wakas ay nahanap ko na ang kasagutan sa mga tanong na matagal nang bumabagabag sa akin. Bakit ko ba pinoproblema ang problema ng iba? Ano ba ang saysay ng lahat ng bigat na nararamdaman ko? Ngunit, ang kasagutan sa mga ito ay isa uling tanong. Para kanino o para saan ka ba bumabangon?

Halos lahat ng kilos natin ay buhat ng pagmamahal. Maaring ito'y pagmamahal sa agham para sa mga siyentipiko, pagmamahal sa teatro para sa mga aktor. Pero paano kung sapilitan mong ginagawa ang mga responsibilidad mo, gaya ng pagpasok sa paaralan, o pagtrabaho sa lugar na hindi mo gusto? Buhat pa rin ba ito ng pagmamahal? Marahil kaya tayo patuloy na pumapasok sa paaralan kasi nais nating magkaroon ng magandang trabaho sa kinabukasan, at kaya naman tayo pumapasok sa trabaho kahit hindi natin ito gusto, para magkapera, para masigurong may makakakain araw-araw. Pero kung ating susuriin ng maigi ang mga kagustuhang kakabanggit, hindi ba kaya nais natin magkaroon ng magandang trabaho sa kinabukasan kasi nais nating maibalik sa ating magulang ang hirap binuhos nila para sa atin? Hindi ba kaya patuloy parin nagtratrabaho ang mga tao kasi nais nilang masigurong mabibigyan ng magandang buhay ang pamilya? Naniniwala ako na kaya natin nakakayanang gawin ang mga bagay na hindi naman talaga natin gusto, ay dahil may pagmamahal na nagtutulak at nagbibigay ng lakas sa atin. Alam natin na higit na mas madali at mas magaan mabuhay para sa sarili lamang, ngunit ang gaang ito ay manhid at walang saysay.

*****

Dahil sa bagong pag-unawa sa gaan, bigat at pati na rin sa pag-ibig ayon sa mga salita ni Milan Kundera, naudyok akong basahin ang kanyang libro. Laking tuwa ko tuloy noong rinegaluhan ako ng kuya ko nito noong Pasko. Natapos ko nang basahin ang unang dalawang bahagi ng libro at nais kong ibahagi muli rito ang panibago kong pag-uunawa o kuro-kuro mula sa libro.



Ang regalo sa akin ng Kuya ko noong na""karaang Pasko 
"We can never know what to want, because, living only one life, we can neither compare it with our previous lives nor perfect it in our lives to come."
"There is no means of testing which decision is better, because there is no basis for comparison."
― Milan Kundera, The Unbearable Lightness of Being

"Ano ba talaga ang gusto mo sa buhay?" Tinanong iyan sa akin noong guidance consulation namin noong ako'y nasa unang taon pa lamang ng college. Bago ang sandaling iyon, akala ko wala akong alinlangan sa magiging kinabukasan ko. Ngunit, ako'y natameme lamang sa tanong na iyon. "Hindi ko po alam.", sagot ko sa guidance counselor na nakayuko ang ulo.

Sigurista ako. Hanga't maaari, gusto ko lahat ng bagay na gagawin ko ay nakaplano. Lagi kong hinahangad na magkaroon ng tiyak ng direksiyon ang buhay ko. Subalit, indecisive o bantulot rin ako. Palibhasa'y masyado akong maraming gustong gawin at hindi ko na matiyak kung anong nangingibabaw. Pati maliliit na bagay pinoproblema ko.
"Ano bang side dish sa Kenny's ang oorderin ko? Mac and Cheese o Corn and Carrots?"
"Kaninong party ba ang pupuntahan ko?" (nauwi ang dilemma kong ito sa pagpunta sa parehong party)
"Anong kulay ng nail polish kaya ang mas maganda?" (kahit parehong shade ng pink ang pinagpipilian ko)
"Aling t-shirt kaya ang kailangan kong dalin sa overnight?" (isa lang ang kailangan, pero apat ang dinala ko)
"Sino kaya sa kanila ang sasagutin ko?" (Chos!)
Mayroon ring siyempreng mas mabigat at mas mahirap na pamimili.
"Saan ba talaga ako mag-aaral ng kolehiyo? Sa UP o sa Ateneo?"
"Tutuloy pa ba akong mag-law-school?"
at ngayon...
"Tutuloy pa ba ako sa paglahok sa JTA (Junior Term Abroad)? 
Mahirap magpasya kasi namimili ka sa pagitan ng dalawang madandang opsyon. At ayon nga kay Kundera, walang tiyak na paraan para malaman kung ano ang masmainam sapagkat hanggang haka-haka lamang ang magagawa natin. Kapag nakapagpasya ka na, kailan man ay hindi mo malalaman ang kabilang dako ng desisiyon mo, o ang opportunity forgone (gamit ang terminolohiyo sa economics). Paminsan, kailangan ipaubaya na lang natin ang pagpapasya sa tiwala. At para gawin ito, kailangan sa halip na hayaang manaig ang ating pagiging sigurista ay hayaan nating iudyok tayo ng katapangan lalo na kung ang pumipigil na atin sa pagpili sa isang opsyon ang ang takot sa pagtaya.

Kung ang kinabukasan natin ay nakalatag at nakaplano na, hindi na natin mararanasan ang kagandahan at kabuluhan ng pagkakamali, pagtayo muli, pag-usbong, at pagsibol natin bilang mga tao. Kaya hindi dapat matakot sa kinabukasang walang kasiguraduhan at huwag nang isipin ang mga panghihinayang dahil una, kailan man ay hindi natin matitiyak ang kalalabasan ng bagay kung pinili natin ang kabilang dako ng desisiyon at ikalawa, saan man tayo mapadpad ay may pagsibol na makakamit kung tayo ay nagtaya.

Lalaki ang ating mga comfort zones kung pipiliin nating magtaya (hayaang ilagay ang sarili sa walang kasiguraduhan) sapagkat sa pagtataya lang natin mararanasan ang mga bagay na tunay na bago sa atin. Hindi na natin mamamalayan, ang dating panic zone ay magiging comfort zone na rin natin, at magiging handa na tayo sa mga mas malaking pagsubok.

Kaya bagaman takot ako mamuhay nang malayo sa pamilya ko, takot akong maka-missout sa mga oportunidad tulad ng OJT o Org Positions at takot akong mapagiwanan ng mga kaibigan ko, pinipili kong tumuloy sa JTA upang maranasan kong mapunta sa walang kasiguraduhan at bagkus, makilala ko lalo ang sarili ko at makasibol ako bilang tao.
"The greater the ambiguity, the greater the pleasure."
― Milan Kundera, The Unbearable Lightness of Being

1 comment:

  1. Natutuwa ako't binasa mo na rin pala ang nobela ni Kundera at napagmunihan din ito. Binibigyan kita ng+1 na LG para rito.

    ReplyDelete