Noong isang klase sa Filipino, napag-usapan namin ang sagisag ng bundok. Noong panahon daw ng Kastila, ang bundok ang naging takbuhan ng mga taong ayaw magpasakop sa mga Kastila. Habang lumalayo ka sa bayan, masmalaya ka. Ginamit namin si Basilio bilang halimbawa drto. Sa bayan siya nasaktan at sa kabudukan naman siya nakahanap ng pag-hilom. Ang bundok para sa kanya ay naging sanctuary.
Hanggang ngayon, itinuturing pa rin ng marami ang bundok bilang sanctuary. Ang pagpunta kasi sa kabundukan ay may dalang pakiramdam pagtakas sa siyudad. Tahimik at malayo kasi ang bundok sa gulo ng bayan. Kapareho ng pagtakbo ng sinaunang Pilipino sa kamay ng Kastila ang pagtakbo ng mga tulad ko mula sa ligalig ng siyudad. Ang buhay siyudad kasi ay mabilis, demanding, nakakapagod at pamnisa'y malupit. Gaya ko, marami tuloy ang nagnanais makatakas sa lahat ng kaguluhang nangyayari sa paligid. Marami tuloy tulad ko ang naghahanap ng parang real-life-pause-button upang makahinga at makapagpahinga naman sa demands ng bayan.
Tulad ni Basilio, nakahanap rin ako ng sanctuary sa kabundukan.
Bukang-liwayway sa Caleruega, Batangas |
Dapit-hapon sa Caleruega, Batangas |
Dahil conducive sa pagninilay, pananahimik at pagdadasal ang kabundukan, naging tampok ang mga retreat house dito. Ang mga litrato sa itaas ay kinuha ko noong first year high school ako. Iyon ang unang beses kong mag-retreat ng tatlong araw. Parang panaginip lamang ang tatlong araw na iyon, lalo na't ang ang tanawing ganoon ang sumasalubong sa akin araw-araw. Naakit ako ng malamig na simoy ng hangin, kaluwangan, at higit sa lahat, sa katahimikan. Mula noon ay sabik na sabik na ako tuwing kami'y magre-retreat. Sa kabundukan ko kasi panandaliang natatakasan ang mga gumagambala sa akin sa siyudad. Napapagnilayan ko rin kung gaano kaganda ang mundo, at kung gaano ako kasuwerte at mapalad sa lahat ng biyayang natamo ko sa mga nakalipas na panahon. At isa pa, para kaming nagbabakasyon ng mga kaklase ko tuwing retreat. Uso pa naman din ang mga heart-to-heart talk sa lamig at katahimikan ng gabi. Bumabalik ako sa siyudad nang nakapagpahinga ng maigi at magaan ang loob.
Ang tanawin mula sa balkonahe ng retreat house sa Batulao, Batangas |
Ang tanawin mula sa aking Bintana sa Carmelite Retreat house, Tagaytay |
Sumailalim ako sa isang "5-day Silent-Retreat" kailan lamang. Limang araw kami nanahimik upang magdasal at magnilay. Bawal naming kausapin ang kahit sinong kasama namin, sa lahat ng oras, maliban sa aming retreat director, isang oras kada araw.
![]() |
Dito kami nag-retreat sa Sacred Heart Novitiate. Matatagpuan ito sa may Quirino Highway, labinlimang kilometro lang ang layo mula sa Quezon Memorial Circle |
Matapos ang limang araw ng pananahimik, higit kong nakilala ang aking sarili at ang aking kahinaan. Dahil sa pananahimik, naabutan ako ng tinatakbuhan kong problema at harapin sila isa-isa. Dahil sa pananahimik, nagbago ang perspektibo ko sa buhay. Nang makabalik ako sa siyudad, wari ko'y wala pa ring nagbago. Maingay pa rin at magulo ang lungsod. Ngunit ngayon, dahil sa mga pinagdaanan ko noong retreat, mas kaya ko na harapin ang ligalig. Ngayon, wagas na ang kapanatagan ko, dahil ng katahimikan ng aking loob.
Hindi pala kailangan ng kabundukan para makaranas ng katahimikan. Ang tunay katahimikan ay na sa loob na natin, kailangan lang natin ito hanapin sa pamamagitan ng pananahimik, at sa pagharap sa mga bumabagabag sa atin.
Binibigyan kita ng +1 na LG para rito.
ReplyDelete